Tuesday, December 30, 2008

Sakit sa Isang Kagat

Walang patawad talaga ang bigla-biglang pag-atake ng mga lagnat sa BUONG pamilya ko. Halos sabay sabay ang pagtaas ng temperatura naming mga magkakapatid. Nang simula, inakala namin na simpleng trangkaso lang ang bumabagabag ng aming mga katawan. Yun pala... DENGUE! Haaay....

Kaya sunod-sunod din kaming na-ospital. Haaay....

Ang Salarin: mga pesteng LAMOK na iyon!!!!!!

Ang blog entry na ito ay isang munting pagplaplano para sa nalalapit na 'mosquito genocide' dahil sa pasakit na dinulot nila, di lamang sa pamilya ko, kundi sa buong sangkatauhan! (Bwahahahaha)

Mga isang linggo akong na-ospital at ang sumunod na linggo ay tumulong ako sa pag-aalaga sa mga iba ko pang kapatid (lima kaming magakakapatid) (kaya paumanhin kung ngayon lang ako naka-blog). Habang kami'y nasa ospital nagplano kami kung paano sugpuin ang mga lamok na iyon. Eto ang mga naisip namin.

1. FUMIGATE!!!!!!! (tatlong beses nang na-fumigate ang aming subdivision simula ng pangyayari) BONUS: Pati ang mga madiring ipis ay nadamay!
2. Search and DESROY!!!! (kailangan munang makapag-research kung saang lugar ang maaring ituring na mga 'HOT SPOTS')
3. Take no PRISONERS!!!! (Walang awa ang ipapakita sa mga salaring ito)
4. Pinakahuli, EXTINCTION!!!!! (Sa aking opinyon, walang malaking naitutulong ang mga pesteng lamok na iyan sa ating kapaligiran, kung kaya'y gagawa ng pananaliksik kung saan pag-aaralan kung paano tuluyang masugpo ang lahat ng mga lamok, na walang masamang epekto sa kapaligiran)

Ayan! Kaya mga lamok, mangamba na kayo! Parating na ang inyong katapusan!!!! (bwahahahaha)

Disclaimer: Ang may-akda ng blog na ito ay nakakain ng maraming tsokolate kaya sobrang hyper kung sumulat. Walang pinatatamaan ang nagsulat nito (maliban sa mga lamok), kaya kung may nasaktan, paumanhin.

Sunday, December 7, 2008

Isa pang Taon ng Kasiyahan

52. 52 taong pamumuhay sa mundong mapanglaw at mapanganib, kasabay ng paghihirap para sa limang anak at pagmamahal sa kanyang asawa. Ayan ang buhay ng aking pinakamamahal na ama.

Kaarawan niya ngayon. Lahat kami'y naghanda ng sari-sariling surpresa para sa kanyang ikaliligaya. Masasarap na pagkain ang handa ngayong gabi, umaasa sa pangakong makasama kami ng mas matagal. Para maintindihan ang halaga ng araw na ito, kailangan ko munang ikwento ang mga kaunti kong nalalaman tungkol sa kanyang buhay.

Si Noel Ambros Dizon ay ipinanganak ng ika-7 ng Disyembre nang taong 1956, pangalawang anak nina Jose at Milagros Dizon. Lumaking isang matalinong bata, siya ay nakapagtapos ng magna cum lauce, kursong accounting at kabilang sa board exams topnotcher. Kumuha ng kanyang MBA sa Ateneo, siya ay nakakuha ng trabaho na makakatulong sa kanyang pamumuhay.

Alam ko na maliban sa kanyang mga tagumpay sa kanyang edukasyon, halos wala akong nalalaman tungkol sa kanyang buhay bilang bata hanggang paglaki, bago pa ako dumating sa buhay nilang dalawa ni Inay. Wala sa aking kapangyarihan na mapagyabang na siya'y isang mabait na anak, o maarugang asawa (pero syempre, ayon kay Lola siya'y isang mabait, ngunit madaldal na bata; at kitang kita ang kasiyahan ni Inay). Pero masasabi ko na siya'y isang mabuting ama.

Kahit na lima kaming binabantayan (hehe), wala sa aming nagkulang sa kanyang atensyon. Sa aking mga kababatang kapatid (ako, bilang panganay na anak), walang sandali na hindi niya sila pinatawa (dahil sa kakornihan ng mga 'jokes' niya, hehe). Para sa akin, palaging nandyan siya upang maging gabay, hindi lamang sa aking pag-aaral, ngunit sa lahat ng desisyon ng aking buhay. Masasabi ko na siya ay ang aking pinakaniririspetong guro, isang kapwa katoliko na tinitingala at natatanging kaibigan. Alam niya na lahat kami ay may sari-sariling talento, at palagi kaming sinusuportahan upang malinang namin ang mga iba't ibang kakayahan.

Kaya ngayon, sa kanyang ika-52 kaarawan, pinagdarasal ko lang na marami pa kaming taon na magsasama.

Monday, December 1, 2008

Bernardo Carpio at ang Lipunan

Tayong mga Pinoy ay ipit na ipit ng madaming problema. Simula palang nang panahon ng Kastila, tayo'y naghahanap na ng isang 'tagapagligtas' upang masalba tayo galing sa kahirapan at kasamaan. Diyan nabuhay at kumalat ang alamat ni Bernardo Carpio

Dahil karamihan sa mga kwento galing sa ating mga ninuno ay hindi nasulat, madaming mga bersyon ang kumakalap ukol sa pagkatao ni Bernardo Carpio. May mga ibang nagsasabi na siya'y higante na kadalasang sanhi ng mga maraming lindol. Meron namang nagsasaad na siya'y isang karaniwang binata na may lakas na maihahambing kay 'Hercules'. Ngunit iisa ag konklusyon ng lahat ng kwento: siya ay ang magliligtas sa mga Pilipino galing sa oppresyon at kahirapan.

Makikita sa debosyon ng karamihan sa atin sa alamat ni Bernardo Carpio hanggang ngayon na naghihirap parin tayong mga Pilipino. Walang halos pinagbago ang ating sitwasyon noong panahon ng mga Kastila. Malaya nga tayo sa salita, pero nananatiling isang kolonya at inaapi sa puso at diwa. Siya ay isa paring simbolo ng walang hanggang pag-asa na kinakailangan natin.

Ngunit makikita rin na may negatibong aspekto na sanhi ng alamat na ito. Tayong mga Pilipino ay walang nais na iresulba ang ating mga sariling problema. Ayaw nating harapin ang mga paghihirap na dinaranas natin at mas gugustuhin pa natin na sa iba manggaling ang sagot. Kaya sa sitwasyon natin ngayon, tayo'y di umuusad.

Maganda na di mawala ang ating pag-asa na bubuti rin ang kalagayan natin. Ngunit kinakailangan din na tulungan natin ang ating mga sarili upang tayo'y umunlad. Hindi natin alam kung kailan makakawala si Bernardo Carpio sa kanyang mga kadena, o kung totoo ba talagang merong magliligtas sa atin. Kaya tayo bilang mga indibidwal na biniyayaan ng utak ay kinakailangang mag-isip ng solusyon at umaksyon kaagad.