Thursday, April 16, 2009

Mahirap maging pinuno ng kahit ano mang grupo.

Ikaw ang inaasahan.

Ikaw ang tinitingala.

At ikaw ang SINISISI.


Ang mga patakaran ay nariyan di dahil gusto lang ng mga gumawa nito.

Ano man ang mga dahilan na sinusumbat sa pinuno,

di dapat ito nagpapadala kahit kanino man.

Pero minsan, di rin maiwasan na magsabing 'ayaw ko na'

Kasi ANG LAKAS NG KALABAN.

ANG LAKAS LAKAS NITO

Pero alam ko na mayroong mas malakas pa sa kanya.


Kung Ika'y nakikinig: kailangan po namin ng tulong Ninyo.

Ikaw lamang ang maaring makatulong sa amin.

Thursday, March 19, 2009

Pag-asa ng Bayan???

Mga kapwa isko/iska ng bayan! Oo matalino tayo!
Pero tayo ba talaga ay maituturing na pag-asa????

Sa 24 Oras kanina:

"Isang taxi drayber ang nagreklamo na ang kanyang mga pasaherong taga UPD ay hinoldap siya: kinuha ang kanyang pera at tumakas"

Matalino tayo Oo. Pero kung hindi naman natin gagamitin sa tama ang ating angking talino, wala rin ang paghahantungan ng lahat.

Depensa ng mga estudyante:
"This is merely hearsay. You can't prove anything!"

Kontra-depensa:
"Ano naman ang magiging dahilan ng taxi drayber para magsinungaling?"

Mga sumusunod na pangyayari:
"Sa di malamang dahilan, inatras ng taxi drayber ang kanyang complaint sa pulisya."

Walang hiya! Ang Diyos lang ang nakakaalam kung bakit niya inatras ang kanyang reklamo. Pero sa aking palagay, eto ang dahilan: binayaran.

Mga Isko/Iska!!!! Sigurado ka bang ika'y pag-asa ng bayan?

Wednesday, January 28, 2009

Sa Tamis ng 'Oo' o Pait ng 'Hindi' (SR Referendum reaction)

Kung tatanungin ako, bilang isang kapwa estudyante, hindi ako ganoong nasiyahan sa pakikinig sa unang bahagi. Kinakailangan sa una palang, dapat naging klaro na kung ano ba talaga ang pagbobotohan ng mga estudyante. Ngunit, nagsayang pa sila ng oras na pag-usapan ang mga iba't ibang krisis na kinakaharap ng Pilipinas ngayon.

Oo, malaki ang papel ng student regeant sa mga krisis ng 'Pinas. One word of advice: Hindi maeenganyo ang mga mag-aaral na bumoto kung iyan ang 'game plan' natin. Unang una, hindi lahat ng estudyante may alam... o di kaya'y may pakialam kung ano ang kahihinatnan ng student regeant. (Syempre dapat kaming makialam, pero dahil di naman lubusang naunawaan, paano pa?) Kinakailangan mahatid ang halaga ng boto ng bawat isa sa bawat mag-aaral ng UP. Pero sa bandang huli lang nagkaroon ng klaripikasyon tungkol sa pinagbobotohan natin. (Pagkatapos magsalita si Kuya Bodjit... masasabing isang leftist, na pinaliwanag kung bakit di dapat bumoto ng 'Oo'). Isa pa, hindi lahat ng klase ng bawat mag-aaral ay ni-require sila na umattend dito. Paano yung mga umalis, bago linawin ng ating student regeant yung tunay na isyu?

Mga organizers: Piliin ninyo ng mabuti ang mga paksang isasama ninyo sa pagkukumbinse sa student body ukol sa referendum. Narinig na naman ang mga 'usual' na modus operandi at di kami madaling makumbinse nino man, kahit na siya'y isang aktibista, guro, o kapwa estudyante. Ayaw na ayaw namin na umiikot lamang ng umiikot ang pinag-uusapan, ngunit hindi tinamaan ang pinaka-punto ng diskusyon. Buti nalang klinaro ni Student Regeant kung bakit dapat bumoto ng Oo, kundi, ako rin boboto sana ng 'Hindi'

Hay. Yes o No ba talaga? Office of the Student Regeant, ito na ang huling linggo, ngunit madami pa kayong kailangang gawin. Patnubayan nawa kayo ng Panginoon at sana'y maging pabor sa mga estudyante ang paghahantungan ng lahat

Tuesday, January 20, 2009

Ang mga Bayani na Di Atin

Kaninang mga ala-una ng umaga, nangyari ang inaugural address ni Barack Obama, ang unang African-American na pangulo ng Estados Unidos. Masasabi na marami ang humahanga sa kanya, at tumitingin sa kanya para tulungan sila sa kanilang mga sari-sariling problema. Siyempre kasama ang Pilipinas sa listahan ng umaasa na matulungan sila.

Ngunit, huwag tayong aasa na tayo'y tutulungan. Hindi naman ako nag-aalinlangan na di tama ang desisyon ng mga kano na gawin siyang presidente. Sa totoo nga, hangang-hanga ako sa kanya. Pero siya ay ang pangulo ng ESTADOS UNIDOS. HINDI SIYA ANG PANGULO NG PILIPINAS (wish lang ng iba).

1. Madaming mga problema na hinaharap ngayon ang Estados Unidos (ehem.... recession.. ehem... Israel-Palestine conflict... ehem.... Afghanistan.... ehem... Assassination attempts) ANG DAMI TALAGA. Hindi magiging prayoridad na tumulong sa mga kawawa at tamad na Pinoy.

2. Sabi niya sa kanyang inaugural address, 'for those leaders who use corruption and power... you are on the WRONG side of HISTORY!' Paano na ang Pilipinas? Eh si Madam ba naman, nababalutan ng intriga (ehem... impeachment.. ehem... cha-cha.... ehem... hello garci... ehem... ALABANG BOYS). Sabi ni Obama tutulong lang siya kung magpapakumbaba ang ating commander-in-chief. Ay punyeta na! Mas mabuti pang magpatiwakal na ang mga umaasa parin hanggang ngayon.

3. Kung sakaling may panahon pa na tumulong ang Estados Unidos, hindi tayo karapat-dapat! Mahirap nga ang 'Pinas! Ngunit mas may hihirap pa sa atin! Lets face it: HINDI TAYO PALAGI ANG KAWAWA. HINDI TAYO PALAGI ANG BIDA. GET REAL!!!!


Kaya kay Pangulong Barack Obama, may God help you. Para sa mga kapwa ko Pilipino, gising na! Kumilos at huwag maghintay sa tagapagligtas! Tayo lang ang makakatulong sa ating sarili!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!

Tuesday, December 30, 2008

Sakit sa Isang Kagat

Walang patawad talaga ang bigla-biglang pag-atake ng mga lagnat sa BUONG pamilya ko. Halos sabay sabay ang pagtaas ng temperatura naming mga magkakapatid. Nang simula, inakala namin na simpleng trangkaso lang ang bumabagabag ng aming mga katawan. Yun pala... DENGUE! Haaay....

Kaya sunod-sunod din kaming na-ospital. Haaay....

Ang Salarin: mga pesteng LAMOK na iyon!!!!!!

Ang blog entry na ito ay isang munting pagplaplano para sa nalalapit na 'mosquito genocide' dahil sa pasakit na dinulot nila, di lamang sa pamilya ko, kundi sa buong sangkatauhan! (Bwahahahaha)

Mga isang linggo akong na-ospital at ang sumunod na linggo ay tumulong ako sa pag-aalaga sa mga iba ko pang kapatid (lima kaming magakakapatid) (kaya paumanhin kung ngayon lang ako naka-blog). Habang kami'y nasa ospital nagplano kami kung paano sugpuin ang mga lamok na iyon. Eto ang mga naisip namin.

1. FUMIGATE!!!!!!! (tatlong beses nang na-fumigate ang aming subdivision simula ng pangyayari) BONUS: Pati ang mga madiring ipis ay nadamay!
2. Search and DESROY!!!! (kailangan munang makapag-research kung saang lugar ang maaring ituring na mga 'HOT SPOTS')
3. Take no PRISONERS!!!! (Walang awa ang ipapakita sa mga salaring ito)
4. Pinakahuli, EXTINCTION!!!!! (Sa aking opinyon, walang malaking naitutulong ang mga pesteng lamok na iyan sa ating kapaligiran, kung kaya'y gagawa ng pananaliksik kung saan pag-aaralan kung paano tuluyang masugpo ang lahat ng mga lamok, na walang masamang epekto sa kapaligiran)

Ayan! Kaya mga lamok, mangamba na kayo! Parating na ang inyong katapusan!!!! (bwahahahaha)

Disclaimer: Ang may-akda ng blog na ito ay nakakain ng maraming tsokolate kaya sobrang hyper kung sumulat. Walang pinatatamaan ang nagsulat nito (maliban sa mga lamok), kaya kung may nasaktan, paumanhin.

Sunday, December 7, 2008

Isa pang Taon ng Kasiyahan

52. 52 taong pamumuhay sa mundong mapanglaw at mapanganib, kasabay ng paghihirap para sa limang anak at pagmamahal sa kanyang asawa. Ayan ang buhay ng aking pinakamamahal na ama.

Kaarawan niya ngayon. Lahat kami'y naghanda ng sari-sariling surpresa para sa kanyang ikaliligaya. Masasarap na pagkain ang handa ngayong gabi, umaasa sa pangakong makasama kami ng mas matagal. Para maintindihan ang halaga ng araw na ito, kailangan ko munang ikwento ang mga kaunti kong nalalaman tungkol sa kanyang buhay.

Si Noel Ambros Dizon ay ipinanganak ng ika-7 ng Disyembre nang taong 1956, pangalawang anak nina Jose at Milagros Dizon. Lumaking isang matalinong bata, siya ay nakapagtapos ng magna cum lauce, kursong accounting at kabilang sa board exams topnotcher. Kumuha ng kanyang MBA sa Ateneo, siya ay nakakuha ng trabaho na makakatulong sa kanyang pamumuhay.

Alam ko na maliban sa kanyang mga tagumpay sa kanyang edukasyon, halos wala akong nalalaman tungkol sa kanyang buhay bilang bata hanggang paglaki, bago pa ako dumating sa buhay nilang dalawa ni Inay. Wala sa aking kapangyarihan na mapagyabang na siya'y isang mabait na anak, o maarugang asawa (pero syempre, ayon kay Lola siya'y isang mabait, ngunit madaldal na bata; at kitang kita ang kasiyahan ni Inay). Pero masasabi ko na siya'y isang mabuting ama.

Kahit na lima kaming binabantayan (hehe), wala sa aming nagkulang sa kanyang atensyon. Sa aking mga kababatang kapatid (ako, bilang panganay na anak), walang sandali na hindi niya sila pinatawa (dahil sa kakornihan ng mga 'jokes' niya, hehe). Para sa akin, palaging nandyan siya upang maging gabay, hindi lamang sa aking pag-aaral, ngunit sa lahat ng desisyon ng aking buhay. Masasabi ko na siya ay ang aking pinakaniririspetong guro, isang kapwa katoliko na tinitingala at natatanging kaibigan. Alam niya na lahat kami ay may sari-sariling talento, at palagi kaming sinusuportahan upang malinang namin ang mga iba't ibang kakayahan.

Kaya ngayon, sa kanyang ika-52 kaarawan, pinagdarasal ko lang na marami pa kaming taon na magsasama.

Monday, December 1, 2008

Bernardo Carpio at ang Lipunan

Tayong mga Pinoy ay ipit na ipit ng madaming problema. Simula palang nang panahon ng Kastila, tayo'y naghahanap na ng isang 'tagapagligtas' upang masalba tayo galing sa kahirapan at kasamaan. Diyan nabuhay at kumalat ang alamat ni Bernardo Carpio

Dahil karamihan sa mga kwento galing sa ating mga ninuno ay hindi nasulat, madaming mga bersyon ang kumakalap ukol sa pagkatao ni Bernardo Carpio. May mga ibang nagsasabi na siya'y higante na kadalasang sanhi ng mga maraming lindol. Meron namang nagsasaad na siya'y isang karaniwang binata na may lakas na maihahambing kay 'Hercules'. Ngunit iisa ag konklusyon ng lahat ng kwento: siya ay ang magliligtas sa mga Pilipino galing sa oppresyon at kahirapan.

Makikita sa debosyon ng karamihan sa atin sa alamat ni Bernardo Carpio hanggang ngayon na naghihirap parin tayong mga Pilipino. Walang halos pinagbago ang ating sitwasyon noong panahon ng mga Kastila. Malaya nga tayo sa salita, pero nananatiling isang kolonya at inaapi sa puso at diwa. Siya ay isa paring simbolo ng walang hanggang pag-asa na kinakailangan natin.

Ngunit makikita rin na may negatibong aspekto na sanhi ng alamat na ito. Tayong mga Pilipino ay walang nais na iresulba ang ating mga sariling problema. Ayaw nating harapin ang mga paghihirap na dinaranas natin at mas gugustuhin pa natin na sa iba manggaling ang sagot. Kaya sa sitwasyon natin ngayon, tayo'y di umuusad.

Maganda na di mawala ang ating pag-asa na bubuti rin ang kalagayan natin. Ngunit kinakailangan din na tulungan natin ang ating mga sarili upang tayo'y umunlad. Hindi natin alam kung kailan makakawala si Bernardo Carpio sa kanyang mga kadena, o kung totoo ba talagang merong magliligtas sa atin. Kaya tayo bilang mga indibidwal na biniyayaan ng utak ay kinakailangang mag-isip ng solusyon at umaksyon kaagad.