Tuesday, December 30, 2008

Sakit sa Isang Kagat

Walang patawad talaga ang bigla-biglang pag-atake ng mga lagnat sa BUONG pamilya ko. Halos sabay sabay ang pagtaas ng temperatura naming mga magkakapatid. Nang simula, inakala namin na simpleng trangkaso lang ang bumabagabag ng aming mga katawan. Yun pala... DENGUE! Haaay....

Kaya sunod-sunod din kaming na-ospital. Haaay....

Ang Salarin: mga pesteng LAMOK na iyon!!!!!!

Ang blog entry na ito ay isang munting pagplaplano para sa nalalapit na 'mosquito genocide' dahil sa pasakit na dinulot nila, di lamang sa pamilya ko, kundi sa buong sangkatauhan! (Bwahahahaha)

Mga isang linggo akong na-ospital at ang sumunod na linggo ay tumulong ako sa pag-aalaga sa mga iba ko pang kapatid (lima kaming magakakapatid) (kaya paumanhin kung ngayon lang ako naka-blog). Habang kami'y nasa ospital nagplano kami kung paano sugpuin ang mga lamok na iyon. Eto ang mga naisip namin.

1. FUMIGATE!!!!!!! (tatlong beses nang na-fumigate ang aming subdivision simula ng pangyayari) BONUS: Pati ang mga madiring ipis ay nadamay!
2. Search and DESROY!!!! (kailangan munang makapag-research kung saang lugar ang maaring ituring na mga 'HOT SPOTS')
3. Take no PRISONERS!!!! (Walang awa ang ipapakita sa mga salaring ito)
4. Pinakahuli, EXTINCTION!!!!! (Sa aking opinyon, walang malaking naitutulong ang mga pesteng lamok na iyan sa ating kapaligiran, kung kaya'y gagawa ng pananaliksik kung saan pag-aaralan kung paano tuluyang masugpo ang lahat ng mga lamok, na walang masamang epekto sa kapaligiran)

Ayan! Kaya mga lamok, mangamba na kayo! Parating na ang inyong katapusan!!!! (bwahahahaha)

Disclaimer: Ang may-akda ng blog na ito ay nakakain ng maraming tsokolate kaya sobrang hyper kung sumulat. Walang pinatatamaan ang nagsulat nito (maliban sa mga lamok), kaya kung may nasaktan, paumanhin.

Sunday, December 7, 2008

Isa pang Taon ng Kasiyahan

52. 52 taong pamumuhay sa mundong mapanglaw at mapanganib, kasabay ng paghihirap para sa limang anak at pagmamahal sa kanyang asawa. Ayan ang buhay ng aking pinakamamahal na ama.

Kaarawan niya ngayon. Lahat kami'y naghanda ng sari-sariling surpresa para sa kanyang ikaliligaya. Masasarap na pagkain ang handa ngayong gabi, umaasa sa pangakong makasama kami ng mas matagal. Para maintindihan ang halaga ng araw na ito, kailangan ko munang ikwento ang mga kaunti kong nalalaman tungkol sa kanyang buhay.

Si Noel Ambros Dizon ay ipinanganak ng ika-7 ng Disyembre nang taong 1956, pangalawang anak nina Jose at Milagros Dizon. Lumaking isang matalinong bata, siya ay nakapagtapos ng magna cum lauce, kursong accounting at kabilang sa board exams topnotcher. Kumuha ng kanyang MBA sa Ateneo, siya ay nakakuha ng trabaho na makakatulong sa kanyang pamumuhay.

Alam ko na maliban sa kanyang mga tagumpay sa kanyang edukasyon, halos wala akong nalalaman tungkol sa kanyang buhay bilang bata hanggang paglaki, bago pa ako dumating sa buhay nilang dalawa ni Inay. Wala sa aking kapangyarihan na mapagyabang na siya'y isang mabait na anak, o maarugang asawa (pero syempre, ayon kay Lola siya'y isang mabait, ngunit madaldal na bata; at kitang kita ang kasiyahan ni Inay). Pero masasabi ko na siya'y isang mabuting ama.

Kahit na lima kaming binabantayan (hehe), wala sa aming nagkulang sa kanyang atensyon. Sa aking mga kababatang kapatid (ako, bilang panganay na anak), walang sandali na hindi niya sila pinatawa (dahil sa kakornihan ng mga 'jokes' niya, hehe). Para sa akin, palaging nandyan siya upang maging gabay, hindi lamang sa aking pag-aaral, ngunit sa lahat ng desisyon ng aking buhay. Masasabi ko na siya ay ang aking pinakaniririspetong guro, isang kapwa katoliko na tinitingala at natatanging kaibigan. Alam niya na lahat kami ay may sari-sariling talento, at palagi kaming sinusuportahan upang malinang namin ang mga iba't ibang kakayahan.

Kaya ngayon, sa kanyang ika-52 kaarawan, pinagdarasal ko lang na marami pa kaming taon na magsasama.

Monday, December 1, 2008

Bernardo Carpio at ang Lipunan

Tayong mga Pinoy ay ipit na ipit ng madaming problema. Simula palang nang panahon ng Kastila, tayo'y naghahanap na ng isang 'tagapagligtas' upang masalba tayo galing sa kahirapan at kasamaan. Diyan nabuhay at kumalat ang alamat ni Bernardo Carpio

Dahil karamihan sa mga kwento galing sa ating mga ninuno ay hindi nasulat, madaming mga bersyon ang kumakalap ukol sa pagkatao ni Bernardo Carpio. May mga ibang nagsasabi na siya'y higante na kadalasang sanhi ng mga maraming lindol. Meron namang nagsasaad na siya'y isang karaniwang binata na may lakas na maihahambing kay 'Hercules'. Ngunit iisa ag konklusyon ng lahat ng kwento: siya ay ang magliligtas sa mga Pilipino galing sa oppresyon at kahirapan.

Makikita sa debosyon ng karamihan sa atin sa alamat ni Bernardo Carpio hanggang ngayon na naghihirap parin tayong mga Pilipino. Walang halos pinagbago ang ating sitwasyon noong panahon ng mga Kastila. Malaya nga tayo sa salita, pero nananatiling isang kolonya at inaapi sa puso at diwa. Siya ay isa paring simbolo ng walang hanggang pag-asa na kinakailangan natin.

Ngunit makikita rin na may negatibong aspekto na sanhi ng alamat na ito. Tayong mga Pilipino ay walang nais na iresulba ang ating mga sariling problema. Ayaw nating harapin ang mga paghihirap na dinaranas natin at mas gugustuhin pa natin na sa iba manggaling ang sagot. Kaya sa sitwasyon natin ngayon, tayo'y di umuusad.

Maganda na di mawala ang ating pag-asa na bubuti rin ang kalagayan natin. Ngunit kinakailangan din na tulungan natin ang ating mga sarili upang tayo'y umunlad. Hindi natin alam kung kailan makakawala si Bernardo Carpio sa kanyang mga kadena, o kung totoo ba talagang merong magliligtas sa atin. Kaya tayo bilang mga indibidwal na biniyayaan ng utak ay kinakailangang mag-isip ng solusyon at umaksyon kaagad.

Saturday, November 29, 2008

Halik ng Usok

Hindi ko lubusang maintindihan ang paghanga na ibinibigay ng karamihan sa usok. Kahit na isang banta sa kalusugan, ang mga kababayan ko ay mas pinili ang mausok na Maynila, kaysa sa tahimik at maaliwalas na hangin sa probinsya. Kahit sa bisyo, mas pinili ang maruming sigarilyo, kaysa sa mamahaling alak.

Siyempre, hindi usok ang totoong paksa ng blog na ito, kundi PAG-IBIG. Ang pag-ibig ay talagang usok: kadalasang marumi, banta sa kalusugan at sobrang nakakabaliw! Kahit ang ating mga mata, na kadalasa'y katulong ng ating tamang pag-iisip ay nahihirapang makita ang katotohanan: NAKAMAMATAY ANG PAG-IBIG.

Kung titignan natin ang mga sitwasyon na mararanasan sa daan ng pag-ibig,
makikita na tulad ng bisyo ng paninigarilyo,ito'y nakakaadik. Babalik-balikan mo parin ito kahit ilang beses kang sinugatan, tinulak, tinapon at sinaksak. Kaya dapat nating intindihin ang mga ADIK sa ating lipunan: umiibig din sila, ngunit di sa isang kapwa nilalang.

Ngayon, alam ko na kung ano ang pakiramdam nang mahalikan ng usok.

Sunday, November 23, 2008

REAKSYON- Ang Tatlong Mukha ng Pinoy: Ekonomiya, Pulitika at Karapatang Pantao

Bilang isang mag-aaral na nakikinig sa forum na isinagawa ng League of Filipino Students (LFS), hindi maiiwasan ang pagkalito ukol sa dahilan kung bakit kinakailangan nating mga Pilipino ang 'militant action'. Ngunit habang nakikinig, namumulat ang mga mata ng bawat isa tungkol sa mapait na katotohanan: may sakit ang ating bansa. Grabe na ang problemang hinaharap natin, dahil ito ay nararamdaman sa lahat ng sektor ng Pilipinas.

Isa sa mga aspekto na naghihirap ay ang ating ekonomiya. Hindi maipagkakaila na lahat ng mga Pilipino ay may ambisyon na umangat sa buhay, maging mayaman at masaya. Damang dama ang sentimentong ito sa pagpasok ng bagong milenyo, kung saan nagkaroon ng malaking demand para sa globalisasyon. Siyempre, ayaw magpahuli nating mga Pinoy, lalong lalong lalo na ang ating mga pinuno. Upang lumakas ang impluwensya ng mga lider na ito, kinakailangang gumanda ang imahe ng ating bansa. Isa sa mga epekto nito ang pagsulputan ng iba't ibang mga proyektong pang-ekonomiya. Kasabay din dumating ang mga repormang ukol sa mga batas at regulasyon sa negosyo at kalakalan. Ayon sa gobyerno, kailangan na maisagawa ang lahat ng ito upang magkaroon ng trabaho ang ating mga mahirap na mamamayan at para isalba ang ating naghihingalong ekonomiya. Halatang walang halos sinabi ang pamahalaan tungkol sa mga sakripisyong kailangang danasin: pagtaas ng mga buwis, pagliit ng pondo para sa edukasyon, at kalusugan; mga pasakit na magpapabigat ng mga pasanin ng karaniwang mamamayan. Ngunit ang pinakamalalang epekto ng lahat ng mga propaganda at reporma ay ang estado ng ating ekonomiya. Makikita na ang ating ekonomiya ay sobra kung dumepende sa tulong o opportunidad na mabibigay ng ibang bansa, kung kaya'y sa pagbagsak ng pandaigdigang pinansya, kasama tayong babagsak. Paano kaya tayo babangon muli?

Siyempre hindi mangyayari ang lahat ng ito kung hindi sa ating mga matatalinong pinuno. Ang isang lider, sa abot ng kanyang makakaya, ay dapat unang isipin ang kapakanan ng komunidad na kanyang pinamumunuan. Sa Pilipinas, kabaligtaran ang nangyayari: sariling kapakanan ang umiiral at naghihirap ang mamamayan. Sabi nga nila, ang impluwensya, yaman at kapangyarihan ay nakapagbabago ng tao: isang paniniwalang pinatunayan gamit ang sitwasyon ng Pilipinas. Hanggang hindi nagbabago ang sistema ng pamumuno, hindi gagaling ang ating bansa.

Ngunit huwag kayong mag-alala. Sabi nila, may pag-asa parin. Marami ang patuloy na lumalaban sa gobyerno upang makamit ang pagbabago. Marami ang may alam ng tunay na katotohanan ukol sa ating sitwasyon: sila ay ang mga kabataan. Diyan takot ang gobyerno. Bilang kabataan, madaling makahikayat ng marami at may lakas upang lumaban. Kung kaya'y madami sa kanila ay dinudukot, pinapapatay, o kinakasuhan nang walang dahilan. Ang mas nakakatakot na realidad ay maaaring sangkot dito ang mga pinakamataas na pinuno ng ating bansa. Sila'y makapangyarihan kaya mahirap mapatunayan na sila talaga ang may sala. Kaya ayan: ang pag-asa ng bayan ay unti-unting nawawala. Nakakalungkot isipin, pero totoo.

Thursday, November 20, 2008

Bakit Sobrang Daming 7-Eleven????

Ang pagod kong katawan ay isang testamento ng aking karanasan noong Lunes. Paalaala lamang: SOBRANG DAMING 7 Eleven na nakakalat sa kabuuan ng Taft Ave. Kung kaya'y huwag na huwag sasabihin sa iyong kaibigan na: "Magkita tayo sa 7 Eleven sa Pedro Gil!!!" Sa Pedro Gil Palang, TATLO ang makikitang 7 Eleven na magkakalapit. Pero ikutin mo lang ang buong UP, magmula Padre Faura, PGH at Pedro Gil, mas madami pang 7-Eleven ang makikita mo, kaysa sa dami ng salitang 7-Eleven sa talatang ito.

Ayan ang problema ng mga karamihang Pilipino: Hindi klaro ang mga direksyon! Isang magandang halimbawa ang katagang 'Mag-aral ka!' Eh sige. Nag-aral nga ang bata, pero di nila alam kung bakit at para saan. Kaya pagkatapos ng kolehiyo, sila'y nagsisiliparan patungong Estados Unidos, Europa, o di kaya'y sa Saudi. Ayan! Solusyon para sa 'Brain Drain' ng Pilipinas: Maging klaro!

Kaya kung gusto ng ating gobyerno na gumanda ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas, kailangan muna nilang ipakita na nag-aaral sila, hindi para sa sariling kapakanan, kundi para sa kapakanan ng Pilipinas. Para mangyari ito, kailangan ding tanggaling ang mga hipokritong nagbibigay ng maling halimbawa. Kung kaya'y hanggang ngayon, SOBRANG DAMING 7-11. Walang nakakaalam kung saan ang TAMA.