Sunday, December 7, 2008

Isa pang Taon ng Kasiyahan

52. 52 taong pamumuhay sa mundong mapanglaw at mapanganib, kasabay ng paghihirap para sa limang anak at pagmamahal sa kanyang asawa. Ayan ang buhay ng aking pinakamamahal na ama.

Kaarawan niya ngayon. Lahat kami'y naghanda ng sari-sariling surpresa para sa kanyang ikaliligaya. Masasarap na pagkain ang handa ngayong gabi, umaasa sa pangakong makasama kami ng mas matagal. Para maintindihan ang halaga ng araw na ito, kailangan ko munang ikwento ang mga kaunti kong nalalaman tungkol sa kanyang buhay.

Si Noel Ambros Dizon ay ipinanganak ng ika-7 ng Disyembre nang taong 1956, pangalawang anak nina Jose at Milagros Dizon. Lumaking isang matalinong bata, siya ay nakapagtapos ng magna cum lauce, kursong accounting at kabilang sa board exams topnotcher. Kumuha ng kanyang MBA sa Ateneo, siya ay nakakuha ng trabaho na makakatulong sa kanyang pamumuhay.

Alam ko na maliban sa kanyang mga tagumpay sa kanyang edukasyon, halos wala akong nalalaman tungkol sa kanyang buhay bilang bata hanggang paglaki, bago pa ako dumating sa buhay nilang dalawa ni Inay. Wala sa aking kapangyarihan na mapagyabang na siya'y isang mabait na anak, o maarugang asawa (pero syempre, ayon kay Lola siya'y isang mabait, ngunit madaldal na bata; at kitang kita ang kasiyahan ni Inay). Pero masasabi ko na siya'y isang mabuting ama.

Kahit na lima kaming binabantayan (hehe), wala sa aming nagkulang sa kanyang atensyon. Sa aking mga kababatang kapatid (ako, bilang panganay na anak), walang sandali na hindi niya sila pinatawa (dahil sa kakornihan ng mga 'jokes' niya, hehe). Para sa akin, palaging nandyan siya upang maging gabay, hindi lamang sa aking pag-aaral, ngunit sa lahat ng desisyon ng aking buhay. Masasabi ko na siya ay ang aking pinakaniririspetong guro, isang kapwa katoliko na tinitingala at natatanging kaibigan. Alam niya na lahat kami ay may sari-sariling talento, at palagi kaming sinusuportahan upang malinang namin ang mga iba't ibang kakayahan.

Kaya ngayon, sa kanyang ika-52 kaarawan, pinagdarasal ko lang na marami pa kaming taon na magsasama.

No comments: