Sunday, November 23, 2008

REAKSYON- Ang Tatlong Mukha ng Pinoy: Ekonomiya, Pulitika at Karapatang Pantao

Bilang isang mag-aaral na nakikinig sa forum na isinagawa ng League of Filipino Students (LFS), hindi maiiwasan ang pagkalito ukol sa dahilan kung bakit kinakailangan nating mga Pilipino ang 'militant action'. Ngunit habang nakikinig, namumulat ang mga mata ng bawat isa tungkol sa mapait na katotohanan: may sakit ang ating bansa. Grabe na ang problemang hinaharap natin, dahil ito ay nararamdaman sa lahat ng sektor ng Pilipinas.

Isa sa mga aspekto na naghihirap ay ang ating ekonomiya. Hindi maipagkakaila na lahat ng mga Pilipino ay may ambisyon na umangat sa buhay, maging mayaman at masaya. Damang dama ang sentimentong ito sa pagpasok ng bagong milenyo, kung saan nagkaroon ng malaking demand para sa globalisasyon. Siyempre, ayaw magpahuli nating mga Pinoy, lalong lalong lalo na ang ating mga pinuno. Upang lumakas ang impluwensya ng mga lider na ito, kinakailangang gumanda ang imahe ng ating bansa. Isa sa mga epekto nito ang pagsulputan ng iba't ibang mga proyektong pang-ekonomiya. Kasabay din dumating ang mga repormang ukol sa mga batas at regulasyon sa negosyo at kalakalan. Ayon sa gobyerno, kailangan na maisagawa ang lahat ng ito upang magkaroon ng trabaho ang ating mga mahirap na mamamayan at para isalba ang ating naghihingalong ekonomiya. Halatang walang halos sinabi ang pamahalaan tungkol sa mga sakripisyong kailangang danasin: pagtaas ng mga buwis, pagliit ng pondo para sa edukasyon, at kalusugan; mga pasakit na magpapabigat ng mga pasanin ng karaniwang mamamayan. Ngunit ang pinakamalalang epekto ng lahat ng mga propaganda at reporma ay ang estado ng ating ekonomiya. Makikita na ang ating ekonomiya ay sobra kung dumepende sa tulong o opportunidad na mabibigay ng ibang bansa, kung kaya'y sa pagbagsak ng pandaigdigang pinansya, kasama tayong babagsak. Paano kaya tayo babangon muli?

Siyempre hindi mangyayari ang lahat ng ito kung hindi sa ating mga matatalinong pinuno. Ang isang lider, sa abot ng kanyang makakaya, ay dapat unang isipin ang kapakanan ng komunidad na kanyang pinamumunuan. Sa Pilipinas, kabaligtaran ang nangyayari: sariling kapakanan ang umiiral at naghihirap ang mamamayan. Sabi nga nila, ang impluwensya, yaman at kapangyarihan ay nakapagbabago ng tao: isang paniniwalang pinatunayan gamit ang sitwasyon ng Pilipinas. Hanggang hindi nagbabago ang sistema ng pamumuno, hindi gagaling ang ating bansa.

Ngunit huwag kayong mag-alala. Sabi nila, may pag-asa parin. Marami ang patuloy na lumalaban sa gobyerno upang makamit ang pagbabago. Marami ang may alam ng tunay na katotohanan ukol sa ating sitwasyon: sila ay ang mga kabataan. Diyan takot ang gobyerno. Bilang kabataan, madaling makahikayat ng marami at may lakas upang lumaban. Kung kaya'y madami sa kanila ay dinudukot, pinapapatay, o kinakasuhan nang walang dahilan. Ang mas nakakatakot na realidad ay maaaring sangkot dito ang mga pinakamataas na pinuno ng ating bansa. Sila'y makapangyarihan kaya mahirap mapatunayan na sila talaga ang may sala. Kaya ayan: ang pag-asa ng bayan ay unti-unting nawawala. Nakakalungkot isipin, pero totoo.

1 comment:

Pilland said...

Just to complete Your interesting report, I invite You to see in my site a great collection of views of borders (Estado hangganan).
http://www.pillandia.blogspot.com
Best wishes from Italy!